PARENTAL
ADVISORY
BONAKS CONTAINS
EXPLICIT LYRICS

Tuesday, January 06, 2009

Manigong bagong taon!

Oo, mga kaibigan. Bumalik nanaman ako dito. Nangulila talaga ako noong iniwan ko ang Bonaks(tm)! Mahirap kasing sumagap ng wifi sa mental hospital. Sayang. Sayang talaga. Sayang rin at hanggang ngayon hindi pa rin ako marunong magsinungaling. Sayang talaga. Ganun ang buhay. Sadyang walang hustisya. Ngunit dahil mahilig tayong gumawa ng mga palusot, nagiging maganda ang mundo at hindi natin nakikita ang mga masasamang bagay sa mundo. Matagal-tagal na rin akong hindi nagsusulatsa Pilipino. Sa totoo lang, nakakamiss di na maramdaman sa tabi ko ang diksyunaryong ito. Kung ika'y regular na napapadaan sa aking sapot-pahina, malamang nakita mo na ang aking kagalingan sa wikang Pilipino. Aba'y parang talong-talo ko na si Rizal na laging nagsusulat sa wikang Kastila!

Dahil bagong taon na, mas mabuting ipagpaliban ko muna ang aking pagmamayabang at bumati sa bumati sa akin sa Bonaks. Belated Merry Christmas and Happy new year, Glesy! Sadyang napaka-bait mo naman! Naisipan mo pang bumisita rito upang bumati! Maraming salamat!

Sana'y maipagpatuloy ko ang paglalagay ng aking mga walang-kwentang sulatin rito! Alam kong may mga naghihintay na sumakit ang ulo nila na hindi gamit ang alak dahil nagpapagaling sila umano sa pagiging lasenggo. Yun naman ata talaga ang trabaho ko dito--bilang isang alternatibong nagpapasakit ng ulo na hindi nakakalasing o naghahalaga ng kalahati ng inyong sweldo. Hindi ko talaga maintidihan kung bakit nangangailangan ang mga tao ng ganitong klase ng serbisyo, pero hindi na ako magtatanong. Maganda rin namang maramdaman ang kahit kakaunting kahalagahan kahit na gaano man ito karidikuloso.

Hmmmm...matapos nang mahabang introduksyong iyon, sa tingin ko ay handa na ang mga mambabasa pinsalang magaganap sa kanilang mga utak sa pamamagitan ng pagbabasa ng kung anu mang sinulat ko.

Game k n b?

Ako hindi pa. D:

Ayon sa horoskopyo ng mga Tsino, mamalasin daw ako sa taong ito. Kaya niyo bang hulaan kung ano ang simbulo ng horoskopyo ko? Madali lang. Hindi ko na kailangang sabihin kung ano yun. Bahala na kayong manghula. Mukhang nakakatotoo na nga ang kamalasan. Aba, akalain mo, bagong taon pero nabawasan ako ng timbang! Hindi nga ako makapaniwala e. Nagtataka ako kung saan napunta yung litson, ube at keso na pinapak ko! Sa tingin mo kaya ay guni-guni ko lang ang lahat ng pagkaing iyon? O baka naman ay multo lang ang mga yun! Aba'y napaka-imposible naman na hindi bibigat ang taong kumain ng litson! O sa tingin ko ay habang kumakain ako'y mayroong nabukas na wormhole sa aking lalamunan at napunta sa ibang dimensyon ang mga matatabang pagkain na nakain ko. TT_TT Ang daya naman o. Dapat talaga hindi tayo sumusukat ng timbang kapag bagong taon. Malas ata e.

Alam kong karamihan ay naghahanap ng mga paraan kung paano magpapayat. Kahit nga yng mga payat ay naghahanap pa rin ng paraan kung papaanong magpapayat. Iba na talaga ang mundo ngayon. Noong panahon ko[mahigit 700 na taon nang nakalilipas], kapag mas mataba, mas maganda! Naku, e nagkalokoloko na pala ang mundo pero hindi ko pa namamalayan! Iba na talaga ang kabataan.

Ang mga rason ko kung bakit gusto kong tumaba:
1. Nalulugi ako sa pamasahe. Lalo na sa jeep.
2. Nalulugi ako sa tela kapag ako'y bumubili ng mga t-shirt na parepareho ang presyo kahit na magkakaiba ang laki.
3. Ayaw kong magmukhang kalansay.
4. Mahirap tumawid sa overpass lalo na kung may bagyo.
5. Mahirap maghanap ng damit; madalas ay yung suot ng manikin nalang ang kinukuha ko. E di lugi pa ako kasi madumi iyun, hindi ba?
6. Pinipilit ako ng aking propesor na kumain ng tsokolate sa klase. Sa katunayan, pinipilit niya lang akong kumain sa klase dahil ako raw ang may kasalanan kung bakit siya tumataba [at ito daw ay dahil sa aking kapayatan].
7. Lagi akong inuutusang kumuha ng mga kagamitan sa mga garapon na makikitid ang bunganga. [parang mali ang pagsalin ko ha]


Dahil ayaw ko rin namang makita bilang isang ermitanyo, magbibigay din ako ng payo kung paano magpapayat:
1. Ngumuya ng mabuti. Alalahanin na hindi ka isang biik.
2. Maligo sa gabi. Nakakabawas daw ito ng dugo.
3. Magbasa ng mga napakahirap na intindihing mga libro. Nakakabawas din ito ng dugo sa pamamagitan ng magdugo ng ilong o ng tenga.
4. Ugaliing magjogging sa umaga. Kung ika'y mababangga ng truck at lumabas ang lahat ng lamang-loob mo, siguradong mababawasan ka ng timbang.
5. Magdonate ng dugo. Makakatulong ka na sa iyong kapwa, mababawasan ka na ng timbang, at mas madali ka pang makakatulog kahit anong oras!
6. Mag-alaga ng linta na ilalagay sa kahit saang parte ng katawan bawat gabi. Noong kapanahunan ng mga as nakababata sa akin, ang linta ay isa ring gamot laban sa plema. Matutulungan ka nitong puksain ang sipon at ubo, babawas pa ang timbang mo!
7. Palitan ang mga sariwang pagkain sa sira. Sa pamamagitan nito, hindi mo na makikita ang pagkain bilang katakamtakam at maaaring lalayuan mo na ang pagkain habang-buhay. Makakamenos ka pa sa gastos.

Iyan ay ilan lamang sa mga payo na maaari ninyong gamitin upang kayo ay pumayat na tulad ni Nicole Ricci na isang stick drawing lamang. :D

2 Comments:

Anonymous Anonymous said...

ilang beses na akong nagbalik dito hanggang ngaun wla pa ring tao,,, ahehe,.... cheers;p-glesy the great

4:04 PM  
Anonymous Anonymous said...

TT_TT

Sorry...di ako sikat e...:(

Hahahah salamat sa pagdalaw.

11:32 AM  

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home