03:21 AM. Biglang nagising. Kumakapa sa dilim ngunit hindi ito mahanap. Tumayo, nabangga ang tuhod sa aparador na nasa tabi ng kama. Napa-upo muli sa kama upang masahehin ang nabanggang tuhod bago hinablot ang damit at tuwalya.
03:24 AM. Pagkabukas ng pinto, madilim. Bumalik sa kwarto upang buksan ang lampara ngunit nabangga ang baywang sa mesa at may nahulog sa sahig. Pagkatingin sa ibaba na bahagyang nakabukas ang mga mata, andoon ang cellphone, nakatalikod. Humikab ng malaya at pinulot ang kawawang telepono. Nabulag sa liwanag ng ilaw ng telepono ng ilang segundo bago nakita ang oras. Alas tres ‘y medya. Sabay bagsak ng mga balikat. Dalawang oras lang ang tulog. Humiga muli sa kama na nakatingin sa dilim, naghihintay ng oras.
06:01 AM. Naligo at muntik nadapa sa banyo dahil sa basang sahig. Nabasa ang mga damit dahil nahulog sa sahig. Kumuha ng bagong damit. Kumain ng almusal ng pagkatagal-tagal. Inayos ang gamit sa bag. Payong. Buti nalang naalala.
06:53 AM. Nagpaalam sa kasera at tumungong eskwelahan. Pagkalapit sa unibersidad, tsaka lang napansin na hindi dala ang ID. Hinanap sa bag ngunit hindi nahanap kaya tumakbong pabalik sa dormitoryo at muntik mahulog hagdanan.
06:58 AM. Nakarating na naghihingalo. Paulit-ulit na pinipindot ang kawawang doorbell. Binuksan ang bakal na pinto at dumeretso sa kwarto. Hinalughog ang kwarto ngunit wala pa rin. Tumingin muli sa bag at doon, sa ilalim ng calculator, ang ID.
07:17 AM. Kinapos ng hininga pagkarating sa pangatlong palapag ng gusali kung saan nakalugar ang silid-aralan. Pagkabukas, nakita ang mga kaklaseng nag-aaral. Mayroon palang pagsusulit. Nakalimutan ang takdang-aralin. Nagpaturo sa katabi ng paspasan. Pumasok ang guro. Pumasok ang kinaiinisan. Nag-umpisa ang klase. Diskusyon. Kakaunti ang nagtataas ng kamay at nagbibigay ng opinyon. Umo-upo ng tahimik, nanginginig sa lamig ng aircon. Pumasok ang kaibigan na naghihingalo (rin), nakasimangot. Bumalik muli sa leksyon. Tumunog ang doorbell. Tapos na ang unang klase.
08:33 AM. Pumasok ang susunod na guro. Umo-upo sa harapan at tinititigan ang mga kaklaseng nakikipagdaldalan. Tumunog muli ang doorbell. Pinatahimik ang klase. Pagsusulit. Tumunog muli ang doorbell. Kasama ang katabing pumunta sa kantina.
09:27 AM. Naghintay ng ibang kasama. Nanood ng mga kasamahang maglaro ng Pusoy Dos. Inalokang maglaro ngunit tumanggi. Kumain ng maagang pananghalian. Umulan. Hinanap sa bag ang payong ngunit wala ito. Hindi pala nailagay sa bag. Nakipayong sa kasamahan na may maliit na payong. Nabasa ang kaliwang bahagi ng katawan.
10:22 AM. Tumunog ang doorbell at nagmadaling pumunta sa klase. Ibinalik ang mga papel ng pagsusulit noong nakaraang linggo. Malapit sa bagsak. Tumunog ang doorbell.
11:47 AM. Tumungo sa silid-aralan ng susunod na asignatura upang magtambay ngunit natapilok at na-sprain ang buol (uli). Pumasok ang (mga) konyo. Pumasok ang bansot. Nag-umpisa ang klase. Natulog. Sumagot ng tanong at inakusahang nagmamadali ng leksyon. Nagtanong ang konyo sa guro, sabay paglubog ng kuko ko sa mesa.
01:23 PM. Tumatakbo papuntang malayong gusali para sa walang-kwentang klase. Dumating na pagod. Sumakit ang ulo. Hindi nakinig dahil dati naman nang alam ang kalokohang pinagsasabi ng guro.
03:03 PM. Nakarating sa dorm, sinabihan ang nanay na naka-uwi na. Tumawag ang nanay, nagsasabing huwag ma-apektuhan sa kapaligiran at mga kinaiinisan. Sana.
06:13 PM. Kumain ng hapunan. Naligo. Nagsulat ng mga masasayang kaisipan sa blog. Halos maiyak sa sakit ng ulo at mata. Nagbasa ng mga talaarawan ng iba habang nakikinig sa iisang kantang paulit-ulit. Inobserbahan ang HTML code ng ibang blog, natuto ng konti kahit sabog ang utak. Nag-aral. “Humiram” ng mga kanta sa Warez at LimeWire.
11:49 PM. Sinubukang matulog muli ngunit hikab lang ng hikab. Kinuha ang rosaryo at hinawakan ito ng mahigpit, nagmamakaawa na sana makatulog.
01:34 PM. Nakatulog na katabi ng mukha ang matulis na gunting.
Ang natutunan ko: Masarap ang mooncake.
P. S. Pinaikli ko na ang ibang pangyayari sa mga tinakda kong oras dahil masyado nang mahaba ang naisulat ko.
Kasalukuyang nararamdaman: Hindi tiyak
.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home