PARENTAL
ADVISORY
BONAKS CONTAINS
EXPLICIT LYRICS

Tuesday, September 27, 2005

Namumugtong mga mata.

Oo. Nagsisisi na ako. Tama ka. Ngayo’y naiinis ako sa aking sarili dahil ngayon ko lang ito natanto, pagatapos ng mahabang panahon. Napakasakit mang isipin, alam kong dito rin ito hahantong balang-araw. Alam kong hindi tayo pwedeng magsama. Alam kong patuloy lang akong nabubuhay sa ilusyon na maaari mo akong tanggapin. Napakatanga ko! Bakit? Bakit ngayon ko lang ito nakita? Bakit pa ako nagbulag-bulagan samantalang alam kong hindi ito maaari? Patawarin mo, ako…hindi ko alam na nasasaktan na pala kita. Patawarin mo ako…


Hindi ko na alam ang aking gagawin. Biglang nawalan ng saysay ang buhay ko. Dapat pinabayaan nalang kita. Maraming beses ko nang sinubukang isama ka sa buhay ko, pero, sa dahilan na hindi ko lubos maintindihan, hindi ko magawa. Dapat ay tinanggap ko na ang mga senyales mo noong una palang; pero wala e…matigas talaga ang ulo ko. Galit na galit ako sa sarili ko ngayon. Napaka kapal ng pagmumukha na saktan ka ng ganoon. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking utak at pinahirapan kita ng ganoon.


Ang mga luhang ito’y patuloy na dumadaloy pagatapos ng lahat ng pagtatangka kong ilagay ka sa buhay ko. Pareho na pala tayong nagdurusa. Bawat patak na tumulo sa aking mga mata ay resulta ng lahat ng paghihirap ko para lang sayo. Dapat nga talaga ay nakinig nalang ako sa aking kuya. Sinabi niya na sa akin noon na huwag na kitang pipilitin kung ayaw talaga, ngunit napaka tigas ng aking ulo.


Sinabi ng ina ko noon na mas maganda na raw kung may karanasan na ako sa uri mo, upang mas matibay daw ako pagtapos ko ng kolehiyo. Alam kong ikaw lang ang siyang makakapagligtas sa akin sa tiyak na pagkabulag. Pero bakit ganoon? Ang sakit na nararamdaman ko ay hindi ko maikumpara sa mga nakaraang pagdurusa. Sadyang kakaiba ang kirot na aking nararamdaman. Kulang pa ba ang luhang aking iwinaldas para sayo?


Hindi kita sinisisi. Kahit na patuloy na hiniling ko sayo na makiisa sa akin, alam kong hinding-hindi mo kayang gawin ito. Ako mismo ang may kasalanan kaya tayo nagkakaganito. Masakit, oo, pero ako nga talaga ang may sala. Mayroong bahagi sa akin na patuloy kang isinusuka, patuloy kang ipinagtataboy. Hindi ko matukoy kung ano ang problema, hindi ko maintindihan ang nangyayari sa akin. Kapag ika’y aking nakikita, hindi ko mapigilang mapapikit, malamang dahil isa ka nang anito, patuloy na nagmumulto sa aking kaluluwa hanggang tuluyan nang mawala sa akin ang tamang pag-iisip.


Alam kong hindi mo maaaring basahin ito kailanman, kahit pa tadtaran ko ito ng mga paumanhin. Pero kahit na ganyan ang sitwasyon, sasabihin ko na rin: sumusuko na ako. Ayaw ko nang magpatuloy pa sa paglilinlang ko sa aking sarili. Malaya ka na; hindi na kita gagambalahin pa magpakailanman.


Paalam, aking mahal na contact lenses. Pinaggastusan pa naman kita, ngunit hindi ka talaga kayang tanggapin ng aking mga mata. Patuloy kang itinataboy ng talukap ng aking mga mata. Wala na talaga akong magagawa kung hindi magsalamin na lamang. At ang mga mata kong nairita mo, patuloy paring nagluluha. Napaka sakit, napaka hapdi. Malamang ito na nga ang tadhana ko: ang mabulag sa pagtanda ko. Hayaan na lang natin. Paalam. Paalam. Lalagyan ko nalang ng Visine ang namumugto kong damulag na mga mata.




P. S. Balang araw, magpapa-opera nalang ako ng mga mata. Sana'y hindi magpatuloy na magmatigas ang talukap ng mga mata ko...nakakapikon na talaga e...Aggi!!!


Kasalukuyang nararamdaman: Hapdi sa mata I'M BLIND!!!.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home