PARENTAL
ADVISORY
BONAKS CONTAINS
EXPLICIT LYRICS

Saturday, September 24, 2005

Cheering Competition.

Babala: Ang sumusunod na teksto ay may linalamang madradramang tagpo. Ang patnubay ng senti ay kailangan.

Sa wakas, sumikat nang muli ang araw. Matapos ng tatlong araw na tuloy tuloy na pagbuhos ng ulan, tumahan nang muli ang mga ulap. Malapit na ng tanghali at kailangan ay nandoon na ako sa Araneta Coliseum sa Cubao ng alas dose ‘y medya. Medyo may kainitan noong araw na iyon. Sabi ko nga, nagpakitang muli ang araw. Kumain ako ng madalian matapos akong naligo at dumeretso na sa tren kasama ang kaibigan ko. Noong kumuha kami ng tiket ng tren, napansin naming marami-rami ring kumukuha ng tiket papuntang Cubao. Malamang upang manood din ng kompetisyon. Noong isinuksok ko sa makinarya ang tiket at itinulak ang bakal na harang, nagulat ako dahil ayaw nitong bumaba. Nabangga ba naman ang baywang ko! Tinulak kong muli at bumaba naman ito. Hay salamat. Kinabahan ako doon. Naghintay kami dahil medyo matagal ang tren. Buti nalang hindi gaanong mainit doon. Sa wakas, dumating na rin ang tren. Walang masyadong tao sa loob ngunit wala ring libreng upuan. Tumayo kami habang naglakbay ang tren; pero hindi naman matagal ang pag-andar kaya’t nakapunta kami doon kaagad.

Pagdating naming sa Gateway, isinuksok kong muli ang tiket sa makinarya at hindi nanaman bumaba ang bakal na harang! Nabangga uli ang baywang ko noon. Tinulak kong muli tsaka ito bumaba. Naku naman…strike two na ito ha.

Paspasan kaming naglakad tungong Araneta Coliseum. Puno ito ng tao, karamihan ay mga estudyanteng nasa kolehiyo na. Noong pumunta kami sa tindahan ng mga tiket, ang daming tao. Siksikan. Sigaw na ng sigaw ang mga gwardya sa kanilang mga megaphone ngunit wala paring umaalis sa kanilang pwesto. Tapos, biglaan nalang na sinabi ng isa sa mga gwardya na ubos na raw ang mga tiket na binebenta nila, ngunit mayroon daw sa kabila. Kami, naniwala naman, ay pumunta sa kabila kung saan marami ring taong nagsisiksikan. Pumila kami(kahit na walang pila.) at nasabak sa gulo ng pagbibili ng tiket. Ang daming nagsisigawan, hawak nila ang mga pera na nasa ibabaw ng kanilang mga ulo. Ibinubulong ko sa kaibigan ko na manood nalang ng sine dahil imposible na ang makakuha pa ng tiket sa giyerang ito, ngunit ayaw niya. Nais niya talagang mapanood ang paligsahang ito. Nanatili kami doon. Habang tumagal kami, nagumpisa na kaming mapawisan, sa dami ba naman ng tao at sa init ng araw, sino ba ang hindi? Naiinis na ako noon dahil parang nasa gitna na ako dagat na puno ng pag-aalon dahil nagtutulakan ang mga tao. Nainis din ang mga gwardya. Ang isa nga sa kanila ay sumigaw, gamit ang kanyang megaphone, ng: “Magsialis na po kayo! Mayroong babaeng hinimatay sa gitna! Parang awa niyo na! Ilalabas lang namin siya!” At noong may sumigaw na sinungaling siya, sinabi niyang: “Ano? Hahayaan na lang ba nating mayroong isang buhay na mawawala?!”

Walang naniwala sa linyang ito dahil: una, wala naman talagang hinimatay. Pangalawa, hindi na siya sumubok na sumiksik sa gitna ng masa. Ang isa naman sa mga gwardya ay gumamit ng parehong istratehiya ng doon sa kabilang tindahan: “Wala na pong tiket! Magsialisan na po kayo, nagsasayang lang kayo ng oras!”

Siyempre, wala nanamang maniniwala dahil mayroong mga taong nakakalabas na may hawak na tiket. Naiinis na nga ang mga tao. Isa sa kanila ay nagsabing: “Tseh!!!” At mayroong isang madramang nagsabing: “Akala niyo lang wala! Pero meron! Meron! MERON!!!”

Mga labing-limang minuto pa ata bago kumonti ang mga tao. Ako ang isa sa mga kaawa-awang nasama sa alon ng mga taong napayagang makakuha ng tiket. Ang kaibigan ko’y nasama doon sa mga nasalikod ng lubid. Binalak niya sanang maghanap ng scalper ngunit noong nalaman niyang andoon na ako sa mga “sinuwerteng” nakapasok, naghintay na lamang siya. [Walang hiya ka talaga!!!] Ang masaklap pa dito, pagatapos ng kalbaryong iyon, binalaan pa kami ng tagabenta ng tiket na ipapagwardya niya kami. Grabe, malamang kung hindi lang siya nasa likod ng salamin, pinagbubugbog na siya ng mga estudyante.

Sa wakas, nakalabas rin ako. Nagmukha akong naligo sa pawis noon. Basang-basa ang buhok ko. Pambihira talaga…napagod ako doon. Noong nagpriprisenta na ang iba’t-ibang unibersidad, nahirapan akong manatiling gising. Buti na lang at dala ko ang camera ko noon, dahil kung hindi, malamang duduguin na ako dito ngayon dahil nauubusan na ako ng mga salita. Ikukwento ko na lang sa pamamagitan ng mga litratong aking nakuha. Pangit nga pala ang nakuha naming mga upuan kaya medyo malayo ang mga larawang ito.

Ang unang nagprisenta: Ang mga Bughaw na Agila.

Komento ng nakararami: Pang hayskul na cheering.

Pangalawang nagprisinta: Ang mga Asul na Lawin.

Komento ng nakararami: Naku, kung hindi lang sila naghula dancing, malamang gumanda pa. Tsaka bakit mukha silang dolphin?

Pangatlong nagprisinta: Ang mga Dilaw na Bulldog. (Ang sagwang pakinggan)

Komento ng nakararami: Bakit mukha silang mga tutubee? [Patawarin niyo ako; hindi ko nakunan yung pinaka magandang parte ng presentasyon nila: ang huling bahagi.]

Pang-apat na nagprisinta: Ang mga Pulang Mandirigma.

Komento ng nakararami: O, bakit naka-asul kayo?

Panlimang nagprisenta: Ang...ehm...Maroons. (Hindi ko lubos maisip kung ang tinutukoy ng pangalan ng grupo nila ay yung mga napadpad na mga tao o kulay na madilim na pula. )

Komento ng nakararami: Ganda ng mga sombrero niyo! Gusto ko na tuloy mag nonstop!

Pang-anim na nagprisinta: Ang mga Luntiang Tamarraw. (Hindi yung FX)

Komento ng nakararami: Aba...nageehersisyo ba kayo?

Pangpitong nagprisinta: Ang mga Gintong Tigre.

Komento ng nakararami: Uy! Ang cute naman ng mascot tsaka ng mga lobo! Ung mga lobo mukhang noodles!!! Mukha pang mga gumamela na kabote yung mga babae!!!

Huling nagprisenta: Ang mga Berdeng Mamamana.

Komento ng nakararami: Talaga lang ha! Nagdala pa ng mga baril! Yun nga lang, walang nagsusuporta. [Bakit baril? Di ba mga mamamana kayo?]

Komento ng mga Atenista: Bakit nakatutok nanaman sa amin yung tangke?!?



Ang aking mga napuna:
  • Namimis ko na nga siguro ang Cheering. [Oo no, naging cheerdancer ako noon!]
  • Mahal sa Cibo.
  • Ang mga paaralang gumamit ng kulay na asul ay ibon rin ang mascot. Ang nakapagtataka pa rito'y magpinsan ang mga lahi ng mga ibong ito.
  • Huwag magmadali kapag dadaan sa makinarya na tumatanggap ng mga tiket sa mga tren. Nakakahiya kasi e...tsaka baka magbayad ka pa uli kapag hindi ka nakadaan.
  • Hindi nagbayad ng tiket ang kasama ko. [Oist! Bayaran mo yung tiket mo!!!]

P. S. Noong paalis ako sa Gateway, hindi nanaman bumaba iyung bakal na harang. Ang masaklap dito'y malakas ang pagkabangga ng buto ng baywang ko sa bakal. At tinawanan ako ng aking mga kasamahan.

Kasalukuyang nararamdaman: Gutom Teka...kain muna ako....

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home